Napigilan ng tropa ng Joint Task Force Sulu ang tangkang pagpapasabog sa roadside bomb sa Daan Putih, Brgy Anuling, Patikul, Sulu kahapon.
Ayon kay 35th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Domingo S. Robles Jr., nakatanggap sila ng sumbong mula sa mga residente ng nasabing barangay kaugnay sa improvised explosive device (IED) na natagpuan sa tabi ng kalsada.
Agad rumesponde ang kanilang mga tropa kasama ang Explosive and Ordinance Division (EOD) at K-9 teams at matagumpay na na-defuse ang IED.
Narekober ng mga tropa ang 3 electric blasting caps 6 na metrong speaker wire, 1 metrong detonating cord, isang galon ng ANFO 12 volts motorcycle battery, 128 piraso ng 4-inch na pako at 37 pirasong ng 2-inch 10mm steel bars.
Ayon naman kay 1102nd Infantry Brigade Commander Col. Giovanni Franza, ang IED ay sadyang nilagay sa tabing-daan para pagsabugan ang mga dumadaang mga sundalo at sibilyan.
Pinuri naman ni Joint Task Force – Sulu at 11th Infantry Division Commander BGen. Ignatius N. Patrimonio ang mga tropa sa mabilis na aksyon, kasabay ng pagtiyak na hindi titigil ang militar sa pagtugis sa mga responsable sa tangkang terrorist attack.