Tangkang pagpuslit ng 2 pulis ng mga tabacco at alak sa Bilibid, pinaiimbestigahan na ng DOJ kay BuCor Chief Bantag

Pina-iimbestigahan na ni Justice Sec. Menardo Guevarra kay Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag ang sinasabing pagpapasok ng mga kontrabando ng mismong mga bantay na pulis sa loob ng New Bilibid Prisons.

Sinabi ni Guevarra na inatasan na niya si Bantag na agad aksyunan ang naturang aniya’y “very disturbing report”.

Aminado naman ang kalihim na wala silang kapangyarihan na ipag-utos ang pagsibak sa mga pulis na inaakusahang nasa likod ng pagpupuslit ng kontrabando sa Bilibid.


Paliwanag ni Sec. Guevarra, hindi maaaring makialam ang DOJ sa operational matters sa Bilibid kaya nakikipag-ugnayan na siya kay Bantag.

Una nang nabunyag na dalawang PNP personnel na nakatalaga sa NBP ang nahulihan ng alak na nakalagay sa bote ng iced tea at sigarilyo.

Ang mga pulis ay mga miyembro daw ng National Capital Region Police Office’s Special Weapons and Tactics (NCRPO-SWAT) unit.

Sinasabing naibebenta ang isang bote ng alak sa loob ng national penitentiary sa halagang P10,000 hanggang P20,000.

Facebook Comments