Tangkang panggugulo ng Dawlah Islamiyah-Turaife Group sa isang komunidad sa Maguindanao, napigilan ng militar

Hindi naituloy ng Dawlah Islamiyah-Turaife Group sa pamumuno ni Esmael Abdulmalik alyas Abu Turaifie ang panggugulo sa isang komunidad sa Sitio Patawali, Brgy. Ganta, Datu Salibo, Maguindanao kahapon.

 

Ito ay dahil sa patuloy na isinasagawang preemptive military operations ng tropa ng militar sa lugar.

Ayon kay BGen. Eduardo Gubat, acting Commander ng 6ID at JTF Central, agad na rumesponde ang mga nagpapatrolyang sundalo matapos makatanggap ng impormasyong planong pangggulo ng Dawlah Islamiyah-Turaife Group sa mga residente sa nasabing lugar kaya napigilan ang grupo.


Pero pagkatapos nito, ayon kay BGen. Gubat ay nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at Dawlah Islamiyah-Turaife Group.

Pinayapa naman ni BGen. Gubat ang mga residente sa lugar at sinabing manatiling kalmado dahil kontrolado ng militar ang sitwasyon.

Samantala sa patuloy na pagpapatrolya ng mga sundalo sa lugar, nadiskubre nila ang isa sa mga bangkay ng mga nakalabang terorista, ito ay kinilalang si Sadam Salandang alias Sadam, miyembro ng BIFF Karialan Faction sa ilalim ni alias Robot.

Nakuha rin ang ilang mga baril, bala, pampasabog at iba pang mga personal na gamit ng local terrorist group.

Facebook Comments