Manila, Philippines – Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) ang mga akusasyon ng naarestong National Democratic Front (NDF) consultant na si Rafael Baylosis.
Ayon kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, hindi na bago ang depensa ng mga naaaresto kung saan sinabi ni Baylosis na tinaniman daw nila ito ng ebidensya.
Giit pa ni Dela Rosa, lehitimo ang ginawang operasyon ng kanyang mga tauhan at may nakita naman talagang armas kay Baylosis partikular na ang mga baril at granada.
Legal din daw ang pag-aresto sa rebelde kaya’t payo ni Dela Rosa kay Baylosis na harapin na lamang nito ang kaso laban sa kanya.
Nakatakdang sampahan ng kaso sina Baylosis sa Lunes, Pebrero 5, sa Quezon City Regional Trial Court (RTC).
Samantala, inilipat na ng kulungan sina Baylosis gayundin ang kasamahan nitong si Guillermo Roque kahapon mula sa CIDG – NCR detention cell, patungo sa PNP Custodial Center.