Kasabay ng pagdiriwang niya ng ika-52 na kaarawan, humingi ng dispensa si Bacoor City Mayor Lani Mercado sa naging pagkakamali matapos sabihin ang linyang “COVID-14” imbis na COVID-19.
Matatandaang nabanggit ito ng actress-turned politician sa Facebook Live niya noong nakaraang linggo, at nag-resulta ng kaliwa’t-kanang pambabatikos mula sa mga netizen.
Paliwanag ng opisyal, nalito na siya dahil sa dami ng iniisip.
“Sa mga natuwa sa aking pagkakamali, COVID-14, sorry po. Sorry po sa mga nagalit. Huwag na po kayong magalit. Tapos na po ang Mahal na Araw,” ani misis ni Sen. Bong Revilla Jr.
“Bawal po magkamali pala ang mga alkalde. Tao lang po, pasensya na. Pero ginagawa po talaga namin ang lahat ng aming magagawa para lang malampasan natin itong mga pagsubok na ito,” saad pa niya.
Kahit nag-viral sa maling dahilan at inulan ng kastigo, wala raw nararamdamang galit si Mercado sa mga kritiko niya.
Pinagdarasal din ng alkalde na sana matapos na ang nasabing pagsubok at makahanap na ng panlunas sa nakamamatay na sakit.
Humiling naman ng pang-unawa sa sambayanan ang asawang senador dahil wala raw perpektong tao sa mundo.
“Medyo nadulas lang siya no’n, nagkamali, nobody’s perfect. Lahat naman tayo nagkakamali. Napaligaya naman niya ‘yong ibang tao. ‘Yon nga lang, naging katawa-tawa. Pero it’s okay,” dagdag ng mambabatas.