Manila, Philippines – Pinabibilisan na ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go kay Senator Antonio Trillanes IV ang ikinakasang imbestigasyon hinggil sa multi-bilyong pisong infrastructure project sa Davao City na nakuha ng kanyang ama at half-brother.
Sabi ni Go, nakahanda siyang sumalang kahit na ngayong araw pa umpisahan ni Trillanes ang imbestigasyon.
Sa ganitong paraan aniya mabibisita na rin niya si Trillanes na ilang araw nang nagtatago sa Senado matapos ipawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang amnestiya.
Sinabi pa ni Go na masaya niyang haharapin ang imbestigasyon ng Senado para patunayan na wala siyang kinalaman sa mga nakuhang proyekto ng kanyang pamilya.
Giit pa nito, nakahanda siyang magbitiw sa puwesto kapag napatunayan ni Trillanes na nakialam siya sa mga proyekto.
Pero ayon kay Go, kapag peke at paninira lamang ang ginagawa ni Trillanes ay dapat itong magbitiw sa puwesto.
Una rito, sinabi ni Trillanes na maghahain siya ng resolusyon para hilingin sa Senado na imbestigahan ang mga nakuhang proyekto ng pamilya ni Go sa Davao City.