Tapyas sa 2025 budget ng DepEd, binatikos ng ilang kongresista

Hindi katanggap-tanggap para kina House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Party-list Representative France Castro at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel ang 12-bilyong piso na tinapyas sa budget ng Department of Education para sa 2025.

Diin ni Castro, nagpapakita ito ng anti-education at anti-poor policies ng administrasyon.

Ipinunto ni Castro na paano pa maiibsan ang learning crisis ngayon kung binabawasan ang pondo para sa edukasyon, tulad ng P10 bilyon na tinapyas sa computerization program na malaking dagok sa ating mga mag-aaral na desperadong makahabol sa digital age.


Nakakadismaya naman para kay Rep. Manuel na habang tayo ay hindi pa nakakaahon sa education crisis ay kinaltasan pa ng budget ang mga ahensya na may direktang mandato sa pagtiyak ng access at kalidad ng ating edukasyon.

Giit nina Castro at Manuel, hindi dapat magdusa ang mga estudyante, guro, at education support personnel dahil sa umano’y mga kwestyunableng ginawa ng dating kalihim ng DepEd.

Facebook Comments