Babaguhin ng pamahalaan ang target maximum COVID-19 testing capacity kada araw para i-angkop ito sa operational situation ng mga laboratoryong nagpoproseso ng mga test.
Ito ang pahayag ng Department of Health (DOH) matapos linawin ang pahayag ng Malacañang na ang pagsasagawa ng 32,000 COVID-19 test kada araw ay posible kung walang kakulangan sa supplies, equipment, at manpower sa 36 na laboratoryo sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, gagawin nilang ‘realistic’ ang target tests per day.
Sinabi rin niya na ang mga malalaking laboratoryo ay kayang mag-operate ng 24/7 habang ang mga maliliit na laboratoryo ay hindi magagawa ito.
Paglilinaw ni Vergeire, hindi required ang mga laboratoryo na magkaroon ng 24 operation, pero kailangan nilang mag-operate ng pitong araw sa isang linggo.
Sa ilalim ng DOH protocol, tanging ang mga pasyenteng may sintomas ng COVID-19 at mga nagkaroon ng exposure ang papayagang sumailalim sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.
Nabatid na target ng pamahalaan na maabot ang 30,000 COVID-19 test sa katapusan ng Mayo habang 50,000 naman pagdating ng Hunyo.