Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., ang ground commanders na palawigin ang target hardening partikular na sa mga simbahan.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, ito’y hindi lamang dahil sa pagsabog na nangyari sa Mindanao State University nitong Linggo, kundi bahagi ng security measures sa darating na pasko.
Partikular na pinasisiguro ng PNP chief ang pinalakas na police visibility sa mga simbahan sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa darating na Disyembre 16.
Pinatutukan din ng PNP chief ang pagbabantay sa mga matataong lugar tulad ng mga commercial center at tourist spots.
Nilinaw naman ni Fajardo na walang namo-monitor na seryosong banta ang PNP sa Metro Manila at ang paghihigpit ng seguridad ay pagpapatuloy lang ng pro-active stance ng PNP.