36 milyon lamang umano sa target na 92 milyong national identification cards ang natapos ng service provider ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sinabi ito ni Philippine Statistics Authority o PSA Chief Dennis Mapa sa deliberasyon ng Kamara sa panukalang P5.768 trilyong budget para sa 2024.
Ayon kay Mapa, may naimprentang 75.4 milyong pisikal at digital ID at sa naturang bilang ay 36 milyon ang physical national ID card.
Binanggit naman ni BSP Senior Assistant Governor Iluminada Sicat na 80,000 ID kada araw ang naiimprenta ng kontraktor na mas mababa sa inaasahang 126,000 card kada araw.
Hinggil dito ay sinabi ni Mapa na nakipag-ugnayan ang PSA sa BSP upang hilingin sa service provider nito na dagdag ang printing lines upang mas mabilis na matapos ang pag-imprenta.
Bunsod nito ay Inatasan ni House Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo ang PSA at BSP na magsumite ng report kaugnay ng national ID program.