Posibleng hindi maabot ang target ng pamahalaan na maging drug-free ang buong Pilipinas pagbaba sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.
Ayon kay Dangerous Drugs Board Chairman Catalino Cuy, tulad ng ibang mga krimen ay hindi tuluyang masusugpo ang ilegal na droga sa bansa lalo pa’t nasa 14,000 barangay pa ang hindi pa drug cleared.
Pero sa kabila nito, nilinaw ni Cuy na gumanda na ang sitwasyon ng bansa matapos bumaba sa 1.6 million ang drug users mula sa 3 to 4 million noong 2016, base na rin sa huling national survey na sinagutan ng mga Pilipino na ang edad ay 10 hanggang 69.
Kung maalala ay bahagi ng campaign promise ng Pangulo ay ang tuluyang pagsugpo sa ilegal na droga sa loob ng 3-6 na buwan.
Nang tumagal ay sinabi ng Pangulo na nagkamali ang kalkulasyon niya sa problema ng bansa sa droga.
Samantala, nilinaw ng DDB na mananatili pa ring iligal ang marijuana sa bansa kahit pa ibinaba na ang klasipikasyon nito ng United Nations Commission.
Giit ng opisyal, kailangan munang ma-amyendahan ang Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 bago tanggalin ang marijuana sa listahan ng mga ilegal na droga.