Target ng Department of Tourism-Bicol na mapataas ang bilang ng mga banyagang bibisita sa rehiyon sa mga susunod na buwan.
Sabi ni DOT Bicol Director Benjamin Santiago, may positibong epekto rin sa turismo ang mataas na inflation rate sa Bicol na umabot sa 10.1 percent noong Setyembre.
Paliwanag ng direktor, mas nagiging kaakit-akit sa mga foreign tourist ang rehiyon dahil sa mataas na inflation kaugnay ng malaking halaga ng dolyar kumpara sa piso.
Dahil dito ay mas nahihikayat aniya ang mga ito na magtungo sa mga tourist destination sa Pilipinas na isang magandang pagkakataon para maipagmalaki sa buong mundo ang ganda ng bansa lalo na sa Asian market.
Sa kabila nito, aminado naman si Santiago na malaki ang epekto ng inflation sa mga domestic tourist pero kumpiyansa ito na dadagsa pa rin ang buhos ng turista lalo na ngayong holiday season.