Inirekomenda ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na gawing pantay ang taripa sa palm oil para sa animal feed at palm oil para sa human consumption.
Batay aniya sa Department of Agriculture (DA), ang buwis sa palm oil para sa pagkain ng hayop ay zero o walang buwis habang ang palm oil na para sa kunsumo ng mga tao ay may pataw na 15% tariff.
Ang pagkakaibang ito ang dahilan kaya sinasamantala ng mga smugglers kung saan idinedeklarang “unfit for human consumption” o hindi para sa tao ang mga ipinupuslit na palm oil.
Iminungkahi ng kongresista na i-equalize o gawing pantay ang taripa, anuman ang grade o antas ng mantika nang sa gayon ay maiwasan ang technical smuggling.
Magkagayunman, ang mga low-grade na palm oil ay mananatili namang mas mura.
Kung gagawin ito ay mahihikayat din ang mga livestock sector na gumamit ng coconut oil na makakatulong pa sa ating mga coconut farmers na nasa 3.5-M sa buong bansa.