Nagsanib-puwersa ang Task Force Disiplina at ang Land Transportation Office (LTO) sa pagpapatupad ng mga umiiral na lokal at pambansang ordinansa sa bayan ng Bayambang, Pangasinan.
Layunin ng pagtutulungan na masiguro ang maayos na implementasyon ng mga batas, partikular sa trapiko at disiplina sa lansangan, upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga motorista at pedestrian.
Sa isinagawang pagpupulong, tinalakay ng Task Force Disiplina ang posibleng deputization ng mga kawani ng lokal na pamahalaan upang makatulong sa pagpapatupad ng mga batas-trapiko. Samantala, nagsagawa naman ang LTO ng training at seminar na tumalakay sa mga alituntunin sa pagmamaneho, road safety, at tamang paggamit ng kalsada.
Bukod dito, nakatakda ring maglunsad ang Task Force Disiplina ng opisyal na Facebook page na magsisilbing plataporma para sa mga residente upang ihayag ang kanilang reklamo, suhestiyon, at hinaing na may kinalaman sa disiplina at kaayusan sa komunidad.
Sa pamamagitan ng hakbang na ito, umaasa ang lokal na pamahalaan na lalo pang mapalakas ang kooperasyon ng mga mamamayan at mga awtoridad tungo sa mas ligtas at disiplinadong Bayambang.









