Cauayan City, Isabela – Dinis-armahan ng Reynaldo Piñon Command ng NPA Central Isabela Front ang mga elemento ng Task Force Kalikasan o TFK sa checkpoint na kanilang isinasagawa sa Sindon Highway ng Barangay Sindon Bayabo, City of Ilagan, Isabela.
Sa kalatas na ibinahagi ng Reynaldo Piñon Command, ang kanilang pag-disarma sa mga TFK ay bilang kaparusahan sa ginagawa nilang pagsasamantala sa kalikasan at karapatang pantao.
Ayon pa sa pahayag, ang TFK, LGU at DENR ay alagad ng kalikasan ngunit sila rin umano ang utak ng pagkasira at pagkaubos ng punong kahoy.
Sila rin umano ang nangunguna sa pagpapakahoy sa kabundukan ng Sierra Madre at tunay na nanghuhuli ng mga naibababang kahoy ngunit sa kalauna’y sila rin naman ang magbebenta at makikinabang.
Isa pa umano sa ginagawa ng TFK ay Ini-eskortan pa mismo ang mga kahoy na pagmamay-ari nila upang matiyak na ligtas ang kanilang inilalabas na kahoy.
Iniladtad rin ng Reynaldo Piñon Command na bukod umano sa pagiging bantay salakay ng TFK ay talamak ang pangongotong ng ahensya kung saan sa bawat load ng kahoy ay may SOP na Php1,000 hanggang Php2,000 na kinukuha at bukod sa kahoy, walang awang hinuhuthot ang Php10,000 sa bawat isang load ng uway o rattan na ibinababa ng mga agta.
Matatandaan na ang TFK ay binuo ng LGU Ilagan at DENR noong nasimulan ang paggawa ng Ilagan Divilacan Road na tatlong taon na ang nakalipas.