Task force na mag-iimbestiga sa mga anomalya sa PhilHealth, pinapabuo ni Pangulong Rodrigo Duterte

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Justice (DOJ) na bumuo ng task force na mag-iimbestiga sa umano’y nagaganap na anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang task force ay pamumunuan ng DOJ, kasama ang Office of the Ombudsman, Commission on Audit (COA), Civil Service Commission (CSC), Office of the Executive Secretary, Office of the Special Assistant to the President at ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Magbibigay otorisasyon ang task force na mag-isyu ng preventive suspensions sa mga mapatutunayang sangkot sa korapsyon.


Kasabay nito, pinaplantsa na ng DOJ ang pagbuo ng panel o task force na tututok sa imbestigasyon sa anomalya sa PhilHealth.

Ito ang kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa natanggap niyang memorandum order mula sa Office of the President na nag-uutos ng imbestigasyon sa PhilHealth.

Ayon kay Sec. Guevarra, isang high-level na task force ang agad nilang bubuuin para masimulan na ang preliminary work sa isyu.

Facebook Comments