*Cauayan City, Isabela-* Mas lalo pang pinaigting ngayon ng binuong Task Force ‘Oink Oink’ ng lokal na pamahalaan ang pagbabantay sa mga pumapasok na alagang hayop at karne ng baboy sa Lalawigan ng Isabela.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr Angelo Naui, ang Provincial Veterinary Officer at Provincial Agriculture Officer ng Isabela, kanyang sinabi na patuloy pa rin ang kanilang mahigpit na monitoring sa kanilang inilatag na Checkpoint sa papasok at palabas ng Isabela partikular sa bayan ng Cordon at San Pablo.
Kanya namang kinumpirma na ligtas at hindi pa apektado ng swine virus ang mga karne at baboy sa Isabela.
Gayunman ay nagpaalala pa rin ito sa publiko na mas mainam na bumili ng karne sa palengke dahil dumadaan anya sa inspeksyon ang mga kinakatay at ibinebentang baboy.
Kaugnay nito ay patuloy rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa munisipalidad upang magbigay paalala sa mga nag-aalaga ng baboy upang maiwasan at mapigilan ang maaaring pagkakaroon o pagkalat ng nasabing sakit.