Pinamamadaling maaprubahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na pagbuo ng “Inter-Governmental Task Force” na para sa proteksyon at tulong sa mga dayuhan at lokal na turista.
Ito ay kasunod na rin ng unti-unting pagbubukas muli ng turismo sa bansa, na kabilang sa mga sektor na matinding natamaan ng COVID-19 pandemic.
Hinihiling ng mga may-akda ng panukala na mapagtibay at maging batas ito bago matapos ang 18th Congress sa Hunyo.
Sa House Bill 10401 o “Tourist Protection and Assistance Bill”, kabilang sa mga magiging mandato ng task force ay paghahanda at pagpapakalat ng mga travel at tourism information at promotional materials; koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan para sa tourist help desks sa mga destinasyon; at paglalatag ng mga hakbang laban sa anumang ilegal na aktibidad o harassment sa mga turista.
Ang naturang task force ay pamumunuan ng kalihim ng Department of Tourism (DOT).
Tinukoy sa panukala na ang turismo ay isang mahalagang elemento ng ekonomiya ng ating bansa, kaya naman ang estado ay marapat na magkaroon ng mga programa o proyekto para maprotektahan ang lahat ng mga turista.