Haharap na sa pakikipagpulong ang team ng Department of Justice (DOJ) sa iba pang miyembro ng binuong Task Force PhilHealth bukas ng hapon para plantsahin ang malalimang imbestigasyon sa nabunyag na talamak na korapsyon sa Philhealth.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, sa ngayon may mga inimbitahan na silang resource persons para magbigay-linaw sa sinasabing iregularidad sa PhilHealth.
Layon aniya nito na matukoy kung ano ang mga dapat nilang bigyang prayoridad sa isinasagawag imbestigasyon.
At dahil umiiral pa rin ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), magiging hybrid ang pagpupulong ng mga miyembro ng Task Force.
May mga miyembro na personal na pupunta sa DOJ habang ang iba ay lalahok na lamang muna sa video conferencing.
Noong Lunes, inilatag ng DOJ team ang ilang operational strategy na gagamitin nito sa kanilang imbestigasyon.