Inirekomenda ng Task Group on Vaccine Evaluation and Selection (TGVES) ng Department of Science and Technology (DOST) sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na gamitin ang COVID-19 vaccine ng Sinovac Biotech sa mga may edad 60-anyos pataas.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DOST Secretary Fortunato Dela Peña na inatasan na ng DOH ang FDA na isailalim sa evaluation ang CoronaVac para sa posibleng paggamit nito sa mga senior citizens na ikinokonsiderang bahagi ng vulnerable population.
Ang Vaccine Experts Panel (VEP) ang magbibigay ng payo at rekomendasyon sa nasabing task group.
Pinag-aralan muli nila ang mga datos mula sa Phase 1, 2, at 3 clinical trials ng Sinovac vaccine at ikinonsidera ang Actual Adverse Effect Following Immunization (AEFI) ng DOH.
Lumalabas na ang mga 60-anyos pataas na nagpabakuna ng Sinovac ay pumirma ng waiver.
Idinagdag pa ni Dela Peña na pinagbatayan din ng rekomendasyon ang ulat mula sa ibang bansa na ginagamit ang Sinovac vaccine sa mga senior citizens.
Aprubado rin aniya ang general safety profile ng bakuna.
Ang paggamit ng Sinovac sa mga senior citizens ay mangyayari lamang matapos ang masusing evaluation sa health status at exposure risk ng mga indibiduwal para matiyak na mas mangingibabaw ang benepisyo ng bakuna kaysa sa risk na dala nito.
Bibigyan din ng espesyal na pangangalaga ang mga pasyenteng mayroong hypertension.
Maglalagay rin ng screening process sa clinically healthy individuals at mga mayroong hypertension status.
Patuloy rin ang surveillance ng DOH sa mga posibleng adverse effects na makikita sa mga naturukan nito.
Tiniyak ng DOST-TGVS na papahalagahan ang kaligtasan at proteksyon ng bawat Pilipino lalo na sa vulnerable group.