Manila, Philippines – Nagbabala ang Grains Retailers’ Confederation of the Philippines o GRECON na maaring tumaas ng hanggang limang piso ang presyo ng Commercial Rice sa bansa.
Kasunod ito ng nakaambang pagtaas sa demand ng bigas bunsod na rin ng papaubos nang suplay mula sa National Food Authority.
Sa ginanap na Joint Press Conference ng GRECON at NFA sa Quezon City sinabi ni Grecon National President Jaime Magbanua, na karagdagang anim hanggang sampung milyong Pinoy ang nakatakdang bibili ng commercial rice hanggat walang mabiling NFA rice.
Ang mataas na demand na ito ani Magbanua ang posibleng samantalahin ng mga tusong negosyante.
Bilang paghahanda, pumirma na ng commitment of support sa NFA ang GRECON para tiyaking matatag at hindi magtataas ng presyo ng bigas ang kanilang hanay bilang bahagi ng pagpapakita ng tunay na responsibilidad sa lipunan.
Batay sa report na inilabas ng NFA tatagal na lamang ng 35-araw ang natitirang suplay ng bigas ang Rice Agency ng bansa.
Nauna rito inihayag ngayon ng National Food Authority na pansamantalang hindi na muna makakabili ang publiko ng murang bigas mula sa ibat-ibang NFA Retailer’s Outlet sa mga pamilihan.
Ang pagtigil sa pagbebenta ng 27-pesos at 32-pesos na presyo ng NFA Rice ay kasunod ng papaubos nang suplay ng bigas ng ahensya.
Ang natitirang 1.2-milyong sako ng bigas na nagsisilbi ngayong buffer stocks ng ahensya.
Pero tiniyak ni Aquino sa publiko na agad babalik sa distribusyon o pagbebenta ng murang bigas ang NFA sa sandaling mapunan ang malaking kakulangan nito sa kasalukuyan.
Sa ngayon ay aprubado na ng NFA Council ang importasyon ng 250-thousand Metric Tons ng bigas.
Muling inulit ni Aquino sa mga Pinoy Rice Consumer na huwag mabahala dahil walang kakulangan sa suplay ng bigas saanmang panig ng bansa bagkus ang shortage ay sa NFA Rice lamang na pambalanse sa presyo ng Commercial Rice.