Tatay na iniwan ang anak sa kalsada dahil baka raw bakla, arestado

1000

Kulungan ang bagsak ng isang ama sa Florida, US matapos abandonahin sa lansangan ang anak na lalaking pinaghihinalaan niyang bakla.

Pinalayas umano sa bahay ni Evenaud Julmeus, 30, ang hindi pinangalanang bata matapos mahuling nanonood ng gay porn sa cellphone nito noong Linggo, Disyembre 1.


Inihatid ni Julmeus ang anak dala ang inimpakeng mga damit, malapit sa sarado pa noong istasyon ng Haines City Police at iniwan sa tabing-daan nang walang pagkain, tubig o pera.

Dumating ang awtoridad sa kinaroroonan ng bata matapos makatanggap ng tawag mula sa isang nakakita ng pangyayari.

Umiiyak ang bata nang datnan ng mga pulis, ayon sa ulat ng Bay News 9.

Hindi malinaw ang eksaktong edad nito, ngunit ayon sa ilang ulat ay hindi pa ito lalagpas ng 13-anyos.

Sinundo naman ang bata ng kanyang nanay sa istasyon ng pulis matapos mapag-alaman ang nangyari.

Nagtungo rin ang awtoridad sa bahay nila Julmeus ngunit nakatakas na ito at iniwan sa bahay ang dalawa pang bata.

Nahaharap si Julmeus sa kasong negligent child abuse.

Facebook Comments

From Advertisers