May tatlo hanggang limang personalidad na tinitingnan ang Pambansang Pulisya na posible umanong pumalit sa pamumuno ng pumanaw na lider ng Communist Party of the Philippines o CCP Founding Chairman Jose Maria Sison.
Sinabi ito ni Philippine National Police – Public Information Officer (PNP-PIO) Chief Col. Red Maranan, matapos ang banta ng mga rebelde na hindi dahilan ang pagpanaw ni Sison para magdeklara sila ng tigil-putukan o hindi sila maglunsad ng mga pag-atake.
Sa Laging Handa public briefing, tumanggi muna si Maranan na pangalanan ang mga personalidad na ito dahil patuloy aniya nila itong pinagaaralan.
Sa ngayon, sinabi ni Maranan na wala naman silang natatanggap na seryosong banta mula sa mga CPP-NPA sa nalalapit na anibersaryo ng mga ito.
Pero mananatili aniya ang pagpapatupad ng defensive posture ng mga otoridad para sa posibleng karahasan ng mga rebelde.
Sa katunayan aniya, nasa pinakamataas na alerto ang PNP bago pa man ang petsa ng anibersaryo ng NPA.