Tuesday, February 3, 2026

TATLO, INARESTO DAHIL SA ILEGAL NA PRODUKSYON NG ULING SA MANAOAG

Tatlong indibidwal ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa Republic Act 8749 o Philippine Clean Air Act at Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act matapos magdulot ng mapanganib na usok ang kanilang operasyon sa paggawa ng uling noong February 2, 2026, sa bayan ng Manaoag, Pangasinan.

Kinilala ang mga suspek 67 anyos na lalaki, 49 anyos na babae at ang kanyang ka-live-in partner na 47 anyos. Lahat ay mga gumagawa ng uling at residente ng nasabing bayan.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng reklamo ang Manaoag Municipal Police Station (MPS), hinggil sa makapal at mapanganib na usok na dulot ng produksyon ng uling sa lugar.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng pulisya kasama ang nagreklamo at isang kawani ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) upang magsagawa ng imbestigasyon.

Sa isinagawang pagsisiyasat, napag-alaman na ang mga suspek ay dati nang pinayuhan ng MENRO Officer at ng Punong Barangay ng Manaoag na huwag nang ulitin ang naturang gawain, subalit nabigo silang sumunod. Natuklasan din na nilabag ng mga ito ang zoning ordinance ng nasabing munisipalidad.

Dahil dito, inaresto ang mga suspek at dinala sa Manaoag Community Hospital para sa medikal na eksaminasyon bago sila inilagay sa kustodiya ng Manaoag MPS para sa tamang disposisyon.

Sampung sako ng uling ang isinailalim din sa kustodiya ng mga awtoridad bilang bahagi ng ebidensya.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga naarestong indibidwal. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments