Tuesday, March 31, 2026

TATLO, NAHULI SA ILIGAL NA PAGSUSUGAL SA ARINGAY, LA UNION

Tatlong lalaki ang naaresto matapos mahuli sa aktong nagsusugal sa bayan ng Aringay, La Union, hapon ng Pebrero 25, 2026.

Isinagawa bandang alas-tres ng hapon ang operasyon ng mga tauhan ng Aringay Municipal Police Station bilang pagpapatupad ng Municipal Ordinance 182 series of 2015 o Anti-Illegal Gambling Ordinance.

Nahuli sa akto ang mga suspek na kinabibilangan ng isang 45-anyos na negosyante, 43-anyos na walang trabaho, at 39-anyos na self-employed. Lahat ay pawang mga residente ng nasabing bayan.

Ayon sa pulisya, nadatnan ang mga ito na naglalaro at tumataya sa larong “Tong-its.” Nakumpiska sa kanila ang isang set ng baraha at perang pantaya na nagkakahalaga ng ₱412 sa iba’t ibang denominasyon.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Aringay MPS ang mga naaresto kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang disposisyon.

Facebook Comments