Tatlo pang barko ng Philippine Navy, inatasang magpatrolya sa West Philippine Sea; Ilang eksperto nagpahayag ng opinyon sa pananatili ng barko ng China sa WPS

Tatlo pang barko ng Philippine Navy ang inatasang magpatrolya sa West Philippine Sea (WPS) kasunod ng pagdami ng mga barko ng China na namataan sa paligid ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Major General Edgard Arevalo, nakausap na niya si AFP Chief of Staff Lieutenant General Cirilito Sobejana para sa pagdaragdag ng mga barko.

Aminado naman si Arevalo na may limitasyon at kailangang maging maingat kung anong uri ng barko ang ipapadala sa West Philippine Sea.


Kasabay nito, nagpahayag naman ng opinyon ang ilang grupo at eksperto kaugnay sa pananatili pa rin ng mga barko ng China sa teritoryo ng Pilipinas.

Kabilang dito si Muntinlupa City Representative at House Committee on National Defense Vice Chairman Ruffy Biazon na naghain na ng resolusyon upang kondenahin ang pangha-harass ng China.

Habang paliwanag naman ni Senator Kiko Pangilinan na kailangan na ring ilabas ang lahat ng diplomatikong pamamaraan upang maresolba ang tensiyon sa West Philippine Sea.

Pero kung lumala pa ang tensiyon sinabi ni Pangilinan na kailangan nang paghandaan ang pagdudulog nito sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Kung sa isyu naman ng seguridad sinabi ni Chester Cabalza, Pangulo ng International Development and Security Cooperation na dapat magkaroon din ng strategic alliance ang Pilipinas sa Japan Australia, South Korea, Indonesia, Vietnam at Taiwan.

Sinuportahan naman ito ni Maritime Law Expert Prof. Jay Batongbacal kung saan giniit nito na kailangan nating makipagtulungan sa ibang bansa upang maprotektahan ang mutual interest sa West Philppine Sea.

Sa ngayon, naihain na ng Department of Foreign Affairs ang panibagong diplomatic protest laban sa China.

Facebook Comments