Naresolba na ng Philippine National Police (PNP) ang kaso ng pagpatay at panggagahasa sa isang flight attendant sa isang hotel sa Makati nitong January 1, 2021.
Sa ulat ni PNP Chief Police General Debold Sinas kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, naaresto na ang tatlo sa mga suspek sa pagpatay sa biktimang si Christine Angelica Dacera, 23-anyos.
Kinilala ang mga naarestong mga suspek na sina John Pascual Dela Serna III, 27-anyos, Rommel Daluro Galido, 29-anyos at John Paul Reyes Halili, 25-anyos.
Sila ay nahaharap na ngayon sa kasong rape at pagpatay.
Habang pinaghahanap pa ang siyam pang mga suspek ng mga tauhan ng Makati City Police Office na sina Gregorio Angelo de Guzman; Louie de Lima; Clark Jezreel Rapinan; Rey Englis; Mark Anthony Rosales; Jammyr Cunanan; Valentine Rosales; isang nagngangalang Ed Madrid; at isang nagngangalang ‘Paul.’
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, magkakasama ang mga suspek at biktima sa New Year’s Eve party sa City Garden Hotel na matatagpuan sa Kalayaan Avenue, Barangay Poblacion, Makati City.
Pero January 1 nang tanghali nakita ng staff ng hotel ang biktima na nasa bathtub sa loob ng kanyang hotel room na walang malay, agad nila itong isinugod sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Tiniyak naman ng PNP Chief sa pamilya ng biktima na magsasagawa pa ng mas malalim na imbestigasyon sa krimen.