Tatlong ahensya, kakaltasan ng budget para sa Free College Education

Manila, Philippines – Tatlong ahensya na ang nakita ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Alexei Nograles na kakaltasan para mapondohan ang kakulangan para sa Free College Education Act.

Ang mga ito ay ang Department of Transportation, Department of Information and Communication Technology, at Department of Agrarian Reform.

Maaaring bawasan ng kabuuang P37.5B ang tatlong ahensya para maging standby fund sa oras na ipatupad na ang Free College Education Programs sa mga State Universities and Colleges.


Ayon kay Nograles, ang DOTr, DICT at DAR ang kanilang mga naunang target para bawasan ang pondo dahil natukoy na mababa ang absorptive capacity ng mga ito at mabagal ang pagpapatupad ng mga projects at programs.

Gaya umano ng DICT na lumitaw sa isinagawang budget deliberation na may P2.7B unused appropriations noong 2016 at P2.695B naman ngayong 2017.

Sa DAR naman ay P6B ang hindi nagamit noong 2015 at P5B noong 2016 samantala sa DoTr ay P33B noong 2015 at P30B noong 2016 ang hindi nagamit na budget.

Giit ni Nograles, sa halip na nakatabi lamang ang mga natitipid na pondo ay pakinabangan na ito.

Una nang ipinangako ni Nograles na hahanapan nito ng pondo ang Free College Education kung saan aabot sa 30 Billion ang kakailanganing pondo para dito.

Facebook Comments