Aprubado na ng Vaccine Expert Panel (VEP) ang clinical trial application ng tatlong kompanya na nag-develop ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nabigyan na ng clearance ang aplikasyon ng Janssen Pharmaceutical, AstraZeneca na mula Europe at Clover Biopharmeuticals ng China, matapos dumaan sa evaluation.
Aniya, sumasailalim na lamang sa iba pang proseso ang nasabing mga bakuna para maituloy ang pagrehistro at pag-otorisa sa kanila ng Food and Drug Administration (FDA).
Paliwanag pa ni Vergeire, dapat aprubado muna sa parehong level ang mga aplikasyon bago ipasa sa FDA, na siyang magbibigay ng huling hatol kung dapat payagan ang bakuna na mapag-aralan sa mga Pilipino.
Kasabay nito, umaasa ang Department of Science and Technology (DOST) na umabot sa 15,000 indibidwal ang makikiisa sa World Health Organization (WHO) clinical trial para COVID-19 vaccines sa Enero ng 2021.
Paliwanag ni DOST VEP Head Dr. Nina Gloriani, sa ngayong ay mayroong ng 4,000 participants sa bansa pero umaasa silang madagdagan pa ito ng 10,000 hanggang 15,000.
Inaasahang magtatagal ang clinical trial ng WHO ng tatlo hanggang anim na buwan habang ang inoculated period ay imo-monitor ng dalawang taon.