Tatlong Buwan na Sanggol na Lalaki sa Santiago City, Inabandona!

Santiago City – Basta na lamang iniwan ang tatlong buwan na sanggol na lalaki ng umanoy mga magulang nito sa inupahang kwarto kahapon sa Barangay Cabulay, Santiago City.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Rolando Gatan, hepe ng Santiago Police Station 1 na ipinaabot ni Mrs. Carmela Ramos sa kanilang himpilan ang inabandonang sanggol sa inupahang silid ng mag-live-in partner na sina Carlo at Karen Ayala.

Ayon pa kay Police Chief Inspector Gatan, nagpaalam umano si Carlo kay Mrs. Ramos upang ihatid lamang sa terminal ng bus si Karen papuntang  Maynila.


Dahil sa kahinahilang galaw ng dalawa ay pinasundan umano ng landlady sa anak niya at nabatid na parehong sumakay ng bus ang dalawang suspek.

Dinala ng kapulisan ang sanggol sa City Social Welfare and Development at kaagad na nakipag-koordinasyon sa PNP Solano Nueva Vizcaya upang mahuli sina Carlo at Karen Ayala.

Matagumpay naman na nahuli ang mag-partner sa Solano Nueva Vizcaya at napag-alaman ang tunay na pagkakakilanlan ng mga ito na sina Roldan Mark Anthony Isaac, bente syete anyos at Riza Anol, bente tres anyos, pawang mga residente ng Barangay Pahinga Candilaria, Quezon Province.

Sa ngayon ay nakakulong na sina Roldan at Riza sa PNP Santiago Station 1 habang inihahanda ang kaso laban sa dalawa.

Facebook Comments