Tatlong Estudyante kabilang ang isang Menor de Edad, Huli habang gumagamit ng Marijuana

*Cauayan City, Isabela*- Timbog ang tatlong katao na kinabibilangan ng isang menor de edad matapos ang aktong pot session ng mga ito kaninang tanghali sa Brgy. Turayong, Cauayan City, Isabela partikular sa loob ng Cauayan City National High School.

Kinilala ang mga suspek na sina Dennis Cuntapay, 19 anyos, binata, Grade 12 at Fernando Jose Santos, 18 anyos, Grade 11 na kapwa residente ng Brgy. Banquero, Reina Mercedes, Isabela habang inaresto din ang isang menor de edad at Grade 11 student na residente ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa PNP Cauayan, nakatanggap ang mga otoridad ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na kasalukuyang ginagawa ang pot session sa Science Park Class at agad naman na nagtungo ang operatiba upang beripikahin ang nasabing impormasyon at nagpositibo nga ito matapos makita sa akto ang tatlong mag aaral na gumagamit ng dried marijuana.


Narekober sa pag iingat ng mga ito ang isang puting papel na pinaniniwalaang may laman na pinatuyong dahon ng marijuana, improvised aluminum foil pipe, isang lighter at isang lapis.

Agad na dinala ang mga suspek sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments