TATLONG ESTUDYANTE, NASAKSAK MATAPOS MASANGKOT SA RAMBULAN

Sugatan ang tatlong menor de edad na estudyante matapos masangkot sa rambulan sa isang paaralan sa Cagayan nitong Huwebes, Setyembre 1, 2022.

Ayon sa mga awtoridad, nagkaroon ng ‘di pagkakaunawaan ang dalawang grupo ng mga estudyante at doon na naglabas ng kutsilyo ang isa sa mga ito.

Nagtamo ng mga sugat sa tagiliran at likod ang tatlong estudyante dahil sa pananaksak na kasalukuyan namang nagpapagaling sa Cagayan Valley Medical Center.

Samantala, natukoy ang suspek sa pananaksak na isang 16-taong gulang na binata mula sa Cataggaman Viejo, Tuguegarao City.

Kaugnay nito, nagpatawag ng pagpupulong si Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que kasama ang ilang mga Barangay Kapitan ng lungsod, PNP, mga opisyal ng SDO, at maging mga konsehal na sina Councilor Ronald Ortiz, Councilor Mark Dayag at Councilor Arnel Arugay para pag-upasan ang nangyari at bumalangkas ng pamamaraan upang hindi na maulit ang insidente.

Napagkasunduan na magpatupad ng mahigpit na seguridad sa loob at labas ng paaralan at pag-momonitor sa kinaroroonan ng mga mag-aaral kapag may klase.

Inutos ni Mayor Ting-Que na agad naabisuhan ang mga magulang ng mag-aaral sakaling wala ito sa klase.

Bilang tugon din sa insidente, nagpalagay din si Governor Manuel Mamba ng Police Outpost malapit sa eskwelahan at magdaragdag ng gwardiya sa paligid nito.

Facebook Comments