CONSTRUCTION WORKER, ARESTADO SA PAGTUTULAK NG DROGA

Arestado ang isang lalaki matapos kumagat sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Tuguegarao City, Cagayan kahapon, Setyembre 1, 2022.

Kinilala ang suspek na si Benjamin Ignacio Jr y Lopez alyas Junjun, 44-taong gulang, construction worker at residente ng Alley D., Caritan Centro, Tuguegarao City, Cagayan.

Sa nakuhang impormasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency 2 (PDEA 2), si Ignacio ay kasama sa City Target listed Drug Personalities ng mga kapulisan.

Naaktuhan ito sa pagbebenta ng tatlong piraso ng small transparent plastic sachets na naglalaman ng iligal na droga sa ahente ng PDEA na umaktong poseur buyer na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Ang buy-bust operation ay isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Cagayan PO, TCPS-CDEU, RIU 2 and CPPO-PDEU bandang alas 12:35 ng hapon ng parehong araw.

Nakumpiska rin mula sa kanyang pag-iingat ang isang keypad na cellphone, isang motorsiklo at ang boodle money na ginamit sa operasyon.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments