
Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Baclaran Police Sub-Station ang tatlong indibidwal na nahuling naglalaro ng ilegal na sugal at nahulihan pa ng hindi lisensiyadong baril sa Parañaque City.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na sina “Aldrin,” 29, walang trabaho at residente ng Trece Martires, Cavite; “Kenrick,” 31, construction worker at residente ng Barangay San Dionisio, Parañaque City; at “Jhonel,” 23, walang trabaho at residente ng Las Piñas City.
Nahuli ang mga suspek sa T. Alonzo Street, Barangay Baclaran, Parañaque City matapos maaktuhan ng mga pulis na naglalaro ng “cara y cruz.”
Narekober mula sa mga suspek ang ₱720 na bet money, tatlong piraso ng one-peso coins na ginamit bilang flippers, at marked money.
Sa isinagawang body search, nakuha mula kay alyas Aldrin ang isang kalibre .38 na baril at tatlong bala.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, at Presidential Decree No. 1602 o Illegal Gambling Law.










