Tatlong janitor sa NAIA na nangikil sa pasaherong Hapones, sinibak

Manila, Philippines – Sinibak ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal ang tatlong janitors sa NAIA na nangikil sa pasaherong Hapones.

Kinilala ni Monreal ang tatlong sinibak na janitors na sina Reggie Tamayo, Robert Boniao ng Jammas Janitorial Services , na service provider ng Philippine Airlines , at si Cesar Yonson na job order personnel naman ng MIAA.

Lumalabas sa imbestigasyon ng airport police department na nagpa-alam sa tatlong janitor ang Japanese national na si Tomoyuki Morizano para gamitin ang lacatory sa NAIA 2 departure area para sa kanyang electronic cigarette.


Pagkatapos manigarilyo ng Hapones, nilapitan siya ng tatlo at sinabihan na labag sa batas ng Pilipinas ang ginawa nito, sabay turo sa pitaka ng dayuhan para magbayad ito, kapalit ng malaya niyang paglabas ng bansa.

Agad naman na naglabas si Morizano ng Y60,000 thousand yen o katumbas ng P26,000 pesos at agad itong pinaghati-hatian ng tatlo.

Naghain naman ng reklamo sa MIAA ang Filipina fiancée ng Hapones na si Sherill Villarante kaya nagdesisyon si GM Monreal na sibakin ang mga nangotong na janitors.

Kinansela na rin ni Monreal ang Airport Access Pass ng tatlong janitors.

DZXL558, Joyce Adra

Facebook Comments