Ikinalungkot ng tatlong kandidata ng Miss Philippines Earth 2022 na hindi na sila umabot sa coronation night sa Coron, Palawan sa August 6, 2022.
Ito ay matapos ma-disqualify sina Angela Okol ng Surigao, Cess Cruz ng Antipolo at Renee Sta. Teresa ng Batangas.
Ayon sa organizers ng naturang pageant, sa hindi inaasahang pangyayari ay bigla silang natanggal sa kumpetisyon dahil hindi sila pasok sa five-foot-four height requirement.
Ikinalungkot naman nina Angela, Cess, at Renee ang natanggap nilang balita at inamin din ng tatlong kandidata na nanghinayang sila sa time at effort na iginugol nila para sa pageant.
Sa kabila nito ay wala naman silang sama ng loob sa Miss Philippines Earth organization.
Samantala, nanindigan naman ang Miss Philippines Earth organizer na si Lorraine Schuck na hindi tatanggalin ang height requirement sa pageant.
Aniya, bahagi na ito ng standard ng pageant sa loob ng 22 taon at hindi nila babaguhin iyon kahit na sa ibang national competitions ay wala nang height requirement.
Nabatid na sinukatan ng height ang mga kandidata noong Huwebes bago ang announcement kahapon ng top 20 finalists.
Pero, sa ngayon ay hindi rin malinaw kung bakit hinayaan pa ring sumabak sa pageant ang tatlong kandidata sa kabila ng nauna nilang pagpasa ng application form kung saan nakasaad ang kanilang height.