Arestado ang tatlong lalaki matapos maaktuhan sa ilegal na sabong o bularit sa isang bulubunduking bahagi ng bayan ng Malasiqui nitong Sabado ng hapon, March 14, 2026.
Kinilala ang mga suspek na edad 59 at 67, kapwa residente ng Malasiqui at nagtatrabaho bilang driver, at isang 33 anyos na residente naman ng Bayambang.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang Malasiqui Municipal Police Station mula sa isang concerned citizen hinggil sa isinasagawang ilegal na sabong sa nasabing lugar.
Agad na nagsagawa ng beripikasyon ang mga pulis at nakumpirmang may ilang indibidwal na nagsasagawa ng sabong at pustahan sa loob ng isang makeshift structure na may isang rueda o sabungan.
Dahil dito, nagsagawa ng operasyon ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong suspek. Gayunman, nakatakas ang ilan pang kasama ng mga ito nang maramdaman ang presensya ng mga operatiba.
Nasamsam mula sa mga suspek ang pitong buhay na panabong na manok, apat na patay na panabong na manok, walong kulungan ng manok, notebook na naglalaman ng rekord ng mga sabong at pustahan, at perang pusta na nagkakahalaga ng ₱3,000.
Dinala naman sa Malasiqui Municipal Police Station ang mga suspek at ang mga nakumpiskang gamit para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso sa paglabag sa Presidential Decree 449 o Anti-Illegal Cockfighting Law. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










