Tatlong military officer na kinasuhan ng murder dahil sa pagkamatay ni Cadet Darwin Dormitorio, mananatiling nasa “floating status”

Walang posisyon sa anumang opisina ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tatlong military officer na una nang kinasuhan ng murder o pagpatay sa Baguio City Prosecutors Office dahil sa pagkamatay sa hazing ni Cadet Darwin Dormitorio sa Philippine Military Academy noong September 2019.

Ayon kay PMA Spokesperson Major Cherryl Tindog, hangga’t may kinakaharap silang kaso ay mananatiling silang nasa floating status.

Sinabi ni Tindog, sinibak na sa Fort Del Pilar Station Hospital ang tatlong military officer na sina Lieutenant Col. Ceasar Candelaria na ngayon ay “attached unassigned” sa AFP National Headquarters sa Camp Aguinaldo, Captain Flor Apple Apostol na ngayon ay “attached unassigned” din sa Philippine Airforce.


Habang si Major Maria Ofelia Beloy ay nananatili sa Headquarters Support Group ng PMA.

Una nang siniguro ni AFP Spokesperson Major Gen. Edgard Arevalo ang buong kooperasyon ng AFP sa korte.

Ito ay matapos na maglabas ng arrest warrant ang Baguio City Regional Trial Court laban sa tatlong kadete ng PMA at tatlong opisyal ng AFP.

Facebook Comments