Sulu – Patay ang tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group matapos na maka-engkwentro ng militar sa Patikul, Sulu kahapon.
Ayon kay Sulu Joint Task Force Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana – nasa 100 hanggang 200 bandido sa pamumuno ni ASG Sub Commander Almujer Yadda ang nakasagupa ng mga sundalo ng 21st Infantry Battalion sa sitio Darayan.
Ang pagresponde ay kasunod ng pagkakasagip sa dalawang mangingisdang binihag ng ASG noong Biyernes na siyang naturo sa kuta ng mga bandido.
Nakuha ng militar ang bangkay ng mga hindi pa nakikilalang ASG members.
Samantala, isang sundalo naman ang patay sa bakbakan habang 15 iba pa ang sugatan matapos masabugan ng granada.
Sa kasalukuyan, 20 pa ang bihag ng ASG kung saan 16 sa mga ito ay mga dayuhan.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558