Nasawi sa ikinasang focused military operation ng mga tauhan ng Joint Task Force Central (JTFC) ang tatlong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) sa Barangay Linantangan, Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.
Ayon kay Lt. Gen. Corleto Vinluan Jr., Commander ng Western Mindanao Command, nagsasagawa ng operasyon sa nasabing lugar ang mga sundalo nang makasagupa ang nasa sampung miyembro ng BIFF na mga tauhan ng Muslimin Amilil, alyas Mus ng 2nd Division ng Karialan Faction.
Nangyari ang sagupaan mag-a- alas-6:00 ng umaga kahapon na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong BIFF militants matapos ang ilang minutong sagupaan.
Narekober naman ng militar sa pinangyarihan ng sagupaan ang bangkay ng tatlong BIFF at war materials gaya ng tatlong caliber .45 pistols, dalawang granada, walong gramo ng shabu at P1,000.00 cash.
Dinala na sa 1st Mechanized Battalion headquarters ang mga labi ng mga nasawing BIFF para sa identification at documentation.
Samantala, nitong nakalipas na Sabado naman narekober ng militar ang isa sa mga pinagkukutaan ng BIFF sa Sitio Tubak, Barangay Saniag, Ampatuan, Maguindanao na kayang mag-accomodate ng 80 hanggang 100 tao.
Mayroon itong 12 foxholes, tatlong overhead bunkers, walong bunkers, at tatlong guard posts.