TATLONG MIYEMBRO NG NEW PEOPLE’S ARMY, SUMUKO SA SAN MARIANO, ISABELA

Cauayan City, Isabela- Nagbalik-loob na sa pamahalaan ang tatlo (3) pang kasapi ng New People’s Army o NPA sa tulong ng mga tropa ng PNP Isabela at 95th Infantry Battalion ng Joint Task Force Tala.

Sumuko nitong ika-dalawampu ng Pebrero sa headquarters ng 95th IB sa Bayan ng San Mariano, Isabela ang tatlong NPA na mga miyembro ng Komiteng Probinsya o KOMPROB Isabela at Komiteng Rehiyon Cagayan Valley o KRCV.

Kinilala ang tatlong sumuko na sina alyas “Sartay”, Vice Squad Lider ng KOMPROB Isabela, KRCV; alyas “Joey” at “Deo” na kapwa miyembro ng nasabing grupo.

Napagdesisyunan ng tatlong rebelde na sumuko na lamang dahil sa nararanasang hirap, pagod at nararamdamang pagkabalisa makaraang mapalaban sa kasundaluhan.

Nag-udyok rin sa pagsuko ng tatlo ang isinasagawang Community Support programs ng tropa sa kanilang lugar.

Kasabay ng pagsuko ng tatlong NPA, ibinaba rin ng mga ito ang isang (1) M16 Rifle na may kasamang isang magazine na may lamang labing pitong mga bala.

Facebook Comments