Pinagtibay muli ang ugnayan ng Region 1 Medical Center at ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan upang patuloy na mapabuti ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga residente.
Sa isinagawang renewal ng kasunduan sa pagitan ng dalawang tanggapan, nananatiling pangunahing referral facility ang regional hospital para sa mga pasyenteng nangangailangan ng espesyalistang gamutan mula sa lungsod. Kasabay nito, ipagpapatuloy din ang telemedicine services na nagbibigay-daan sa mga residente na makakonsulta sa mga espesyalista sa pamamagitan ng online o remote platforms.
Inaasahan ding makatutulong ang planong pagtatayo ng Maternal and Children’s Hospital sa lungsod upang mabawasan ang dami ng pasyenteng dinadala sa regional hospital, partikular sa mga kaso ng panganganak at kalusugan ng mga bata.
Patuloy ding isinusulong ang mga programang nagpapagaan sa gastusin ng mga pasyente, kabilang ang Zero Balance Billing policy para sa mga naka-admit sa basic accommodation.
Ayon sa mga opisyal, mahalaga ang ganitong mga inisyatiba upang mas mapalapit sa mga komunidad ang dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa Dagupan at mga karatig-lugar. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










