
Tatlo ang patay matapos tambangan habang sakay ng isang payong-payong tricycle sa Barangay Nalinan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong Lunes, Setyembre 1.
Kinilala ang mga nasawi na sina Ibrahim Payapat, kanyang 32-anyos na asawa na si Zenaida Ango Kusain, at ang kanilang 16-anyos na anak na si Aisa.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, papunta umano sa sentro ng barangay ang mag-anak nang bigla silang paulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang mga armadong salarin.
Dead-on-the-spot si Ibrahim habang sina Zenaida at Aisa naman ay naisugod pa sa Cotabato Sanitarium and General Hospital ngunit idineklara ring dead-on-arrival.
Sa ngayon ay patuloy ang masusing imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) upang tukuyin ang motibo sa krimen at ang pagkakakilanlan ng mga responsable.
Nanawagan ang pamilya at lokal na pamahalaan sa publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon at agad na iulat ang anumang impormasyon na maaaring tumulong sa ikalulutas ng kaso.









