Tatlong pinay OFW na biktima ng human trafficking, naharang ng immigration sa NAIA terminal-3

Naharang sa Ninoy Aquino International Airport ang tatlong pinay na biktima ng human trafficking.

 

Nabatid na nagduda ang mga tauhan ng Bureau Of Immigration sa mga papeles na ipinakita ng tatlo habang nasa NAIA terminal 3.

 

Ayon kay Immigration Port Operation Division Chief Grifton Medina, Papunta sana sa Dubai ang mga pinay kung saan nagpakita pa sila ng mga valid ID’S, job contract at iba pang dokumento pero peke ang mga overseas employment certificate ng mga ito.


 

Nakasaad sa job contract ng tatlo na papasok sana sila bilang kitchen staff, waitress at sales assistant subalit domestic helpers ang magiging trabaho ng mga ito sa Dubai.

 

Sinabi pa ni Medina na isa daw itong paraan ng mga illegal recruiters kung saan aalukin ng maganda at malaking sweldo ang isang nais maging OFW pero ibang trabaho ang dadatnan pagdating sa ibang bansa.

 

Napag-alaman na hindi alam ng tatlo ang pangalan ng agency na nag-recruit sa kanila at dalawa sa mga ito ay sa social media lamang nag-apply.

 

Hawak na ng inter-agency council against trafficking ang mga biktima para sa kaukulang imbestigasyon at posibleng tulungan din sila ng pamahalaan

Facebook Comments