Tatlong probinsya lamang ang apektado ang palayan ng El Niño ayon sa NIA

Tatlong mga probinsya lamang na siniserbisyuhan ng National Irrigation Administration ang apektado ang palayan dahil sa nararanasang mild El Niño.

Ayon kay NIA Public Affairs Information Service Chief Filipina Bermudez, kinabibilangan ito ng Occidental Mindoro, Camarines Sur at Davao del Sur.

Paglilinaw ito ni Bermudez  kasunod ng pahayag ng grupo ng militanteng magsasaka na marami nang nasirang palayan dahil sa tagtuyot.


Ani Bermudez,  ang central at Northern Luzon at iba pang lalawigan ay hindi na apektado ng El Nino dahil nakapag-ani ng mga palay ang mga magsasaka rito bago pa maramdaman ang pagsipa ng El Niño sa bansa.

Kabilang sa mga dam na apektado ay Caguray, Pagbahan at Lomintao dam sa Occidental Mindoro, Cagaycay at Libmanan dam sa Camsur at Bansalan dam sa Davao del sur.

Aabot sa humigit kumulang 15-libong magsasaka aniya ang apektado rito dahil sa mababang lebel ng tubig ng nabanggit na mga nia dam.

Nilinaw din ng ahensya na tanging ani sa second crop season na kalimitang inaani ng buwan ng Pebrero at Marso ang apektado  ng papaubos na water dam supply.

Dahil dito inumpisahan na ng NIA ang pagpapahiram ng shallow tube wells para pansamantalang magamit ng mga magsasaka.

Sa ngayon ani Bermudez, nagpulong na ang dept of agriculture, NIA at Local Government Unit para  paghahati-hatian ang scheduling ng paggamit sa suplay ng tubig mula sa National Irrigation Administration.

Facebook Comments