Tatlong pulis sa Iloilo, sinibak at sinampahan ng kaso matapos lumabag sa liquor ban

Nahaharap ngayon sa kasong kriminal at administratibo ang tatlong pulis sa Iloilo matapos lumabag sa umiiral na liquor ban kaugnay sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Western Visayas.

Ayon kay Police Regional Officer (PRO) 6 Director, Police Brigadier General Rene Pamuspusan, ang tatlong pulis ay kinilalang sina Police Staff Sergeant (PSSg) Roy Panaguiton nakatalaga sa Sebaste MPS, Police Corporal (PCpl) Arnie Luminario, naka-assign sa Iloilo City Police Office at PSSg Paul Pingoy, nakatalaga sa Regional Headquarters.

Sila ay kabilang sa 29 na mga violators sa ipinatutupad na ECQ sa Western Visayas.


Nahuli ang tatlong pulis sa quarantine control points sa Pandan, Antique, Sta. Barbara at Passi Quarantine Control Point sa Iloilo Province, habang may mga dalang kahong kahong alak sa magkakahiwalay na okasyon.

Tiniyak ni General Pamuspusan na hindi palalampasin ang mga ganitong klase ng pulis kaya nagbabala ito sa kanyang mga tauhan ng manatiling sumunod sa batas at tuparin ang sinumpaang pangako para sa bayan.

Facebook Comments