Tatlong Tulak ng Shabu at Marijuana sa Lambak ng Cagayan, Timbog sa Magkahiwalay na Operasyon ng Drug Buy Bust!

*Camp Marcelo A. Adduru, Tuguegarao City – *Bagsak sa kamay ng mga otoridad ang tatlong tulak ng shabu at marijuana sa magkahiwalay na operasyon ng drug buy bust sa lambak ng Cagayan.

Inaresto ng mga pulis ng Solana, Cagayan ang isang target ng PDEA na si Jezreel L. Lacar Tabbu, 22 taong gulang at residente ng Brgy. Lingu, Solana, Cagayan kung saan ay nakumpiska kay Tabbu ang mahigit kumulang na 7 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana at marked money na isang libong piso.

Matagumpay rin na nahuli ng mga elemento ng pinagsanib pwersa ng PNP Santiago Station 1, SDEU, CDEU, SCPO at PDEA ang bagong drug identified sa Santiago City na si Gerardo Tangihan Galang, 37 taong gulang, may asawa at residente ng Purok 4, Brgy. Rosario, Santiago City kung saan ay nakuha sa suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu at marked money na limang daang piso.


Timbog din sa kamay ng mga otoridad ang isang construction worker na si John Paul Galingan Tumacder, 23 taong gulang, binata at residente ng Purok 6, Burgos, Cabarroguis, Quirino na nakumpiskahan ng tatlong pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana, marked money na limang daang piso at isang motorsiklo na walang plaka na maaring ginagamit nito sa transaksyon ng iligal na droga.

Samantala, lahat ng mga nakumpiskang ebidensya ay dinala na sa Crime Laboratory Office para sa eksaminasyon habang ang kasong paglabag sa RA 9165 ay inihahanda nang isampa sa korte laban sa tatlong suspek.

Facebook Comments