Tatlong vaccine developers, nakapagsumite na sa FDA ng kanilang aplikasyon para sa clinical trials ng bakuna kontra COVID-19

Kinumpirma ni Dr. Jaime Montoya, Executive Director ng Philippine Council for Health Research and Development sa Laging Handa public press briefing na 3 vaccine developers na ang nakapagsumite sa Food and Drug Administration (FDA) ng mga dokumento para sa isasagawang phase 3 ng clinical trials dito sa bansa.

Ayon kay Montoya, kabilang dito ang Russian Gamaleya Research Institute para sa Sputnik V, Janssen Pharmaceutical Companies of Johnson & Johnson at Sinovac Biotech.

Paliwanag pa ni Dr. Montoya, isa kasi ang Pilipinas sa 100 mga bansa na lumahok sa World Health Organization (WHO) Solidarity trials at base sa projection ng WHO kapag natapos na ang phase 3 ng clinical trials ay posibleng sa second quarter ng 2021 ay available na sa merkado ang bakuna kontra COVID-19.


Giit nito, dapat kasing pumasa sa pagsusuri ng ating FDA ang alinmang gamot o bakuna upang matiyak na ligtas itong magagamit ng mga Filipino.

At alinsunod sa kasunduan, magkakaroon ng 20% access ang bansa sa madedevelop na bakuna kung saan uunahing bibigyan ang mga healthworker, frontliners at mga mahihirap.

Facebook Comments