Tatlong weather systems ang kasalukuyang nakaaapekto sa bansa at nagdadala ng mga pag-ulan sa ilang lugar, ayon sa PAGASA.
Kabilang rito ang shear line, easterlies at ang inter tropical convergence zone o ITCZ.
Ang shear line o ang linya kung saan nagtatagpo ang northeasterly wind flow at ang easterlies ay nakaaapekto sa Hilagang Luzon at magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat nap ag-ulan at pagkulog sa Cagayan Valley, Apayao at Ilocos Norte.
Habang ang ITCZ naman o ang lugar kung saan nagtatago ang hangin mula sa northern at southern hemisphere ang siya namang magdadala ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Visayas, Mindanao, Masbate at Sorsogon.
Samantala, ang easterlies o ang mainit na hangin mula sa Karagatang Pasipiko, at ang localized thunderstorm ang dahilan ng pag-ulan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.
Nagbabala ang PAGASA ng posibleng pagbaha at pagguho ng lupa tuwing may kalakasan ang pag-ulan.
Bukod dito, binabantayan din ngayon ng PAGASA ang isang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Kaninang alas-3:00 ng umaga, huling namataan ang LPA sa layong 1,780 kilometers Silangan ng Mindanao.
Inaasahang papasok ito sa PAR bukas, tsaka tatawid sa Visayas, Mindanao at Palawan mula Martes hanggang Huwebes.
Gayunman, mababa ang tiyansang lumakas ang LPA at maging isang bagyo.