Tattoo artist na nanaksak ng transgender, kinasuhan na

Makati City – Nahaharap sa patong-patong na kaso ang isang tattoo artist matapos niyang pagsasaksakin ang isang transgender sa kaniyang apartment sa Barangay Pitogo, Makati City.

Kasong frustrated homicide, sexual assault at theft ang isinampa ng biktimang si Anastacia Deville laban sa suspek na si Eugene Aquino.

Ayon sa biktima, pumayag siyang magpa-tattoo kay Aquino matapos silang magkakilala at magkausap sa Facebook.


Matapos ang ilang oras, hindi pa man natatapos ang paglalagay ng tattoo, niyaya raw siya ni Aquino na makipagtalik.

Pero nang hindi aniya siya pumayag, doon na nagalit si Aquino.

Nakuhanan pa ng CCTV ang pagdating ni Aquino sa apartment ni Deville dala ang backpack at mga gamit sa paglagay ng tattoo.

Muling nahagip ng CCTV si Aquino na tumakbo palabas ng apartment na walang suot na t-shirt at hindi na dala ang kaniyang mga gamit.

Sinabi naman ni Senior Superintendent Rogelio Simon, hepe ng Makati Police, nagpa-custody sa mga pulis ang suspek dahil sa mga natatanggap na banta sa kaniyang buhay pero itinanggi niya ang krimen at sinabing “self-defense” daw ang nangyari.

Pansamantala ring pinakawalan ang suspek dahil lumagpas na sa itinakdang oras para siya ay idetene.

Facebook Comments